Retiradong pulis, huli sa gun ban sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 05:26 AM | Updated as of Apr 17 2018 09:58 PM

MAYNILA - Kalaboso ang isang retiradong pulis nitong Lunes dahil sa paglabag umano sa election gun ban.

Nahulihan ng baril ang dating pulis habang iniinspeksiyon ang kaniyang sinasakyang UV Express sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Batay sa imbestigasyon, napikon umano ito nang tumagal sa 30 minuto ang inspeksiyon matapos parahin ang sasakyan na patungong Montalban.

Depensa naman ni Wilson Balceta, traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ninais lang nilang beripikahin ang mga papeles ng sasakyan dahil bumibiyahe umano ito na out-of-line.

Naging kalmado rin sila sa isinagawang checkpoint, giit niya.

Kahit na nagpakita ng permit si Estrella, bawal pa rin ito ayon sa Omnibus Election Code.

"Bawal pa rin kasi dapat puwede lang ay mga pulis, sundalo. Dapat din meron lang special permit from Comelec," ani Supt. Rosell Cejas, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6.

Humihingi naman ang MMDA ng mas mahabang pasensiya sa mga motorista sa isinasagawang checkpoint. Ito naman daw ay para sa kaligtasan ng lahat.

"Sana po 'wag naman nila itrato ng masama ang MMDA. Lalo na mga ito di nga sila nagpapahinga," ani Roy Taguinod, direktor ng traffic enforcement ng MMDA. 

Hindi muna papangalanan ang retiradong pulis hanggang sa makasuhan ito sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.