P160-M halaga ng cocaine, nasamsam sa dagat sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 08:05 AM | Updated as of Apr 17 2018 04:26 PM

Nasa 28 pakete ng cocaine ang natagpuan ng mga mangingisda na nakasilid sa isang plastic container na palutang-lutang sa Lamon Bay noong Linggo. Retrato mula sa Quezon Provincial Police Office

Nakuha ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Quezon noong Linggo ang isang plastic container na naglalaman ng nasa P160 milyong halaga ng cocaine.

Apat na mangingisda ang nakakita sa naturang plastic container na palutang-lutang sa may Lamon Bay malapit sa bayan ng Perez, ayon sa Quezon police.

Nang siyasatin ng mga mangingisda, tumambad sa kanila ang 28 pakete ng powdered substance.

Agad iniulat ng mga mangingisda ang insidente sa mga lokal na opisyal na agad namang nakipag-ugnayan sa pulisya.

Lumabas sa pagsusuri ng crime laboratory ng Quezon police noong Lunes na kompirmadong cocaine ang nakuha ng mga mangingisda.

Nakatakdang ibigay ng Quezon police ang mga nakuhang droga sa crime laboratory ng Camp Crame.

Posibleng bahagi ito ng mga cocaine na unang narekober sa mga karagatan ng Sorsogon at Samar, ayon sa mga awtoridad.

-- Ulat nina Henry Atuelan at Gerard Lorbes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.