Nakapaang gold medalist ng 'Palaro,' nais magpagawa ng bubong ng bahay

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 04:25 PM | Updated as of Apr 18 2018 08:31 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Baao, Camarines Sur -- Hindi inasahan ng mismong ina ni Lheslie De Lima na masusungkit nito ang buwenamanong gintong medalya sa Palarong Pambansa ngayong 2018.

Nagreyna ang 13 anyos na si De Lima sa 3,000-meter run ng secondary girls kahit pa pinili nitong tumakbo nang nakapaa. 

Kuha ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Sa barangay San Juan, Baao, Camarines Sur nakatira ang pamilya De Lima, at katunayan, hindi pa buo ang kanilang tahanan matapos wasakin ng mga nakalipas na bagyo.

Nitong Pebrero nasimulan nang maitayo ang mga pader pero hindi matapos-tapos dahil sapat lamang ang kinikita ng ama ni De Lima sa pagsasaka.

Kuha ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Malaking bahagi raw ng ipinapagawang bahay ay galing sa mga premyo ni Lheslie tuwing nananalo sa pagtakbo.

"Bata pa itong anak ko nakakatulong na. Basta pag nakakuha siya ng pera, kahit mga P2,000, ibibigay niya 'yung iba," kuwento ng ina ni De Lima na si Annalyn.

Dagdag nito, masipag at matulungin si De Lima na panglima sa pitong magkakapatid.

Naglalabada rin daw ito para may pambili ng pagkain ng mga kapatid.

Kuwento ni Annalyn, sinabihan si Lheslie ng tiyuhin nito na dapat siyang manalo para may panggawa sila ng bubong, at sinagot naman daw ito ng dalaga ng isang malaking ngiti. 

'Suporta ng pamilya'

Pero rebelasyon ni Annalyn, noong una ay tutol siya sa kagustuhan ng anak na sumabak sa sports dahil naaawa siya sa pagod na dinadanas nito.

"Ayoko siyang sumali sa mga ganiyan. Parang nakakapagod naman, tapos siyempre financial...Naaawa kasi ako diyan, pag umuuwi pagod na pagod."

Kaya labis na lamang ang tuwa at pagmamalaki ng pamilya sa naabot ngayon ng bata.

"Salamat, Bibi (palayaw ni De Lima). Congrats sa panalo mo," ani Annalyn.

Hindi pa nakakausap ng pamilya ang atleta pero paalala nila dito, ingatan nang mabuti ang sarili.

--Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.