Magnanakaw umano ng motor patay sa engkuwentro sa Batangas

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 07:47 AM

LIAN, Batangas - Patay ang isang hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo sa engkuwentro ng mga pulis nitong lungsod Martes ng madaling-araw.

Kinilala ang nasawi na si Loreto Viscera. Nakuha mula sa kanya ang nakaw na motorsiklong balak umano nitong ibenta, isang kalibre .38 na baril, at isang sachet ng umano'y shabu.

Ayon sa pulisya, nagpaputok umano si Viscera matapos makaramdam na mga operatiba ng pulisya ang kanyang katransaksiyon. Nauwi ito sa habulan at sa pagpatay sa suspek.

Sabi naman ni Senior Inspector John Conrad Villanueva, hepe ng Lian police, nakatanggap ng impormasyon ang Highway Patrol Group ukol sa bentahan ng nakaw na motorsiklo.

"Mayroon pong isang motorsiklo na ibinebenta. Incidentally nang vinerify, ito ay alarmado o may positive hit na ito ay ninakaw sa Laguna province," aniya.

Patuloy namang tinutugis ng mga pulis ang kasamahan ng suspek na nakatakas sa naganap na habulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.