Dalagita, pinagtataga ng 'binasted' na manliligaw

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 01:22 AM

ZAMBOANGA CITY - Patay ang isang 18-anyos na babae matapos umanong pagtatagain ng kaniyang manliligaw sa siyudad nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Margie Santiago.

Nahuli naman ang suspek na si Benneth Garcia sa magubat na lugar sa Barangay Curuan.

Ayon sa pulisya, inabangan ng suspek ang biktima sa daan at puwersahang hinila sa damuhan. Pinagtangkaan umano nitong gahasain ang dalagita.

Pinagtataga ng suspek ang biktima nang manlaban ito.

Sa kabila ng mga sugat sa katawan, nagawa pa ni Santiago na tumakbo pauwi sa kanilang bahay.

Narinig ng isang kapatid ang sigaw ng dalagita kaya't sinalubong niya ito sa daan.

Ayon kay Eric, kapatid ng biktima, tadtad ng taga sa katawan at braso ang dalagita.

Pero nagawa pa ni Santiago na pangalanan ang suspek na isa sa kaniyang mga manliligaw.

Bago nangyari ang insidente, ayon kay Eric, humingi pa ng pera sa kaniya ang dalagita para pambili ng load sa tindahan.

Pabalik na sana sa kanilang bahay si Santiago nang harangin ng suspek sa daan.

Minsan na ring inamin ng suspek sa nanay ng biktima na may gusto ito sa bunsong anak.

Ayon sa pulisya, posibleng nagalit si Garcia sa biktima dahil binasted siya nito.

Bugbog-sarado si Garcia nang matagpuan ng mga pulis sa ikinasang follow-up operation. Mahaharap siya sa kasong murder. - ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.