NFA nagbenta ng 10 milyong kilo ng bigas bago nagkaroon ng 'shortage'

Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 08:38 PM | Updated as of Apr 16 2018 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ilang buwan bago ipahayag na mayroong shortage o kakulangan sa buffer stock ng bigas ang National Food Authority (NFA), nagbenta ang ahensiya ng 10 milyong kilo ng bigas na nakaimbak sa Visayas sa ilang piling rice trader sa Bulacan, ayon sa dating kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Sabi ni Rafael Mariano, convenor ng Bantay Bigas at dating DAR secretary, ipinagbili ng NFA ang reserba nitong milyon-milyong kilo ng bigas mula sa mga bodega nito sa Region 8 noong Setyembre, pitong buwan bago sabihin mismo ng Malacañang na wala nang isang araw ang buffer stock ng bigas ng NFA.

"Ang tanong pa rin ay babalik at babalik doon, e bakit nangyaring mayroong ganiyan P209,437 bags na hindi niyo nga nai-dispose? Sino'ng nakakuha niyan? At magkano ibinenta ngayon 'yan? Maaari po nating hilingin sa mga kinatawan ng mga progresibong party-list organizations na nabibilang sa Makabayan bloc sa House of Representatives na ito po ay imbestigahan," ani Mariano.

Buffer stock ang tawag sa nakaimbak na mga sako ng bigas ng NFA para matiyak na di kukulangin ang supply ng bigas sa bansa.

Bukod sa supply, tinitiyak din ng buffer stock na di basta-basta sisipa ang presyo ng bigas dahil sa kakulangan nito.

Mandato ng NFA na magkaroon ng buffer stock na puwedeng tumagal ng 15 araw, habang dapat pang-30 araw naman ang buffer stock kung lean season o panahong wala masyadong naaaning palay. 

Inamin naman ni Rex Estoperez, tagapagsalita ng NFA at direktor ng NFA Region 3, na may natanggap din siyang report ng bentahan pero ito raw ay dahil luma na ang bigas na deposito at kailangan nang ipagbili kahit na sa mas mababang presyo.

Kahit na kasi P25 kada kilo ang karaniwang presyo ng NFA, ibinenta ito ng P3 mas mura o P22 kada kilo sa traders.

"Pina-trace namin 'yan at 'yon ang kini-claim nga na, eto 'yong aging stocks natin na hindi naman natin puwedeng patagalin sa ating mga bodega, etong mga 2015 stocks pa, na ang ating standards ay dapat six months lang," ani Estoperez.

"Pero ang sinasabi nga na kung mayroon man sa withdrawal nangyari, balikan natin ang mga dokumento, kaya namang balikan po 'yan, lalabas po naman ang katotohanan."

NFA Rice

Batay naman sa isang dokumentong nakalap ng ABS-CBN News mula sa isang taga-gobyerno, ilang trader sa Bulacan ang napagbentahan ng nasa 100,000 bags ng NFA rice mula sa Region 8.

Kasama umano ito sa 200,000 sakong kinuha sa Visayas. 

Para naman kay Mariano, dapat ipakita ng NFA ang laboratory analysis kung luma man ang stocks at dapat ngang ibenta.

Handa naman daw ang NFA na patunayan na dumaan ang naturang transaksiyon sa nararapat na proseso.

Noon lamang unang linggo ng Abril, sinabi ng grupong Grain Retailers' Confederation of the Philippines (GRECON) na wala nang ibinebentang NFA rice sa mga merkado sa National Capital Region (NCR) at apat pang rehiyon sa bansa. 

Bukod sa NCR, naubos na rin ang supply ng NFA rice sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Calabarzon, ayon kay GRECON president James Magbanua.

Dagdag niya, noong nakaraang buwan ay halos wala nang nabebenta ang kanilang retailers na NFA rice na unti-unti umanong naubos mula pa noong Enero. 

Hindi umano nagkakasundo ang NFA management at ang NFA Council kaya tuluyang naubos ang buffer stock ng bigas, ayon sa GRECON

Una nang inamin noon ng NFA na paubos na ang suplay ng murang bigas at sinisi nito ang konseho sa hindi pag-apruba sa hiling na makapag-angkat mula sa ibang bansa.

Pero depensa ni Cabinet Secretary Leoncio "Jun" Evasco, chairman din ng NFA council, hindi sila nagkakasundo ng NFA management dahil pinipilit umano ng ahensiya ang pag-aangkat na di hamak na mas magastos at malapit sa korupsiyon.

Nakatakda rin aniyang dumating sa susunod na buwan ang 250,000 metriko toneladang bigas para tugunan ang buffer stock ng NFA.

Noong nakaraang taon, sinipa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal dahil sa pagkontra niya umano sa desisyon ng NFA na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng bigas habang panahon ng ani.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.