Hepe, 17 pulis sa Malate, sinibak matapos mangikil ang 4 sa kanila

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 07:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinibak sa puwesto ang 18 pulis ng Malate police station, kabilang ang kanilang hepe, sa Maynila matapos maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat nilang tauhan na nangikil umano sa isang dayuhan.

"Ang ating district director ay hindi natuwa considering na na-tarnish na naman 'yong image ng Manila Police District (MPD) because of these few police officers na hindi man lang binigyang halaga 'yong kanilang service reputation," sabi ni MPD spokesperson Superintendent Erwin Margarejo. 

Pero iginiit ni Superintendent Eufronio Obong, sinibak na hepe, wala siyang alam sa umano'y pangingikil ng kaniyang mga tauhan.

"Nagsarili ng mga lakad 'yan. Personal nila 'yan, hindi ko actually kilala personally ang mga 'yun, kung ano man mentalidad ng mga 'yan," sabi ni Obong.

Bukod kay Obong, sinibak din ang 17 tauhan ng intelligence unit ng istasyon.

Nahuli noong Biyernes ng NBI sa isang entrapment operation ang mga Malate police na sina Senior Police Officer 3 Ranny Dionisio, Police Officer (PO) 3 Richard Bernal, PO1 Elequiel Fernandez, at PO1 Arjay Lasap.

Ikinasa ang operasyon laban sa kanila matapos magsumbong sa NBI ng Egyptian na si Amir Azab. 

Kuwento ni Azab, pinaligiran ng nasa 10 pulis ang kaniyang kotse sa P. Ocampo Street noong nakaraang Lunes ng gabi. 

Inakusahan umano si Azab na tumanggap ng shabu mula sa isang babae sa Makati pero itinanggi niya ito.

Pumayag si Azab na makipag-usap sa kanila sa Malate police station kung saan humirit aniya ang mga pulis na aregluhin na lang ang kaso kapalit ang halagang P200,00 na kalaunan ay ibinaba sa P50,000.

Iniimbestigahan na rin ng MPD at ng Philippine National Police Internal Affairs Service ang kaso.

"I will not speculate, puwedeng hindi lang apat 'yong involved dito," sabi ni Margarejo.

Nakakulong na ang apat na pulis sa kasong robbery-extortion.

Ayon sa NBI, tumangging magbigay ng salaysay ang mga pulis sa kanila o kahit sa piskal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.