Babae, nakasilid sa bag sa Bulacan; lalaki, nakabalot sa plastic sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 05:16 PM | Updated as of Apr 16 2018 09:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Natuklasan nitong umaga ng Lunes ng mga residente sa Meycauayan, Bulacan ang bangkay ng isang babae na nakasilid sa isang bag.

Nabulabog ang mga residente ng Northville 3, Barangay Bayugo nang mahanap nila sa isang bakanteng lote ang bag na naglalaman ng bangkay.

Batay sa nakuhang ID, kinilala ang bangkay bilang si Millicent Anne Garcia na ayon sa mga awtoridad ay mula umano sa Plaridel, Bulacan.

Kuwento ng unang nakakita sa bag na si Erlinda Santiago, bandang alas-sais nang ilabas niya ang kaniyang aso para dumumi sa bakanteng lote.

Nakita niya ang malaking bag at tinadyakan ito pero naghinala na siyang tao ang laman nang umalog ang naturang bag.

Nang ipabukas ito ay nadiskubreng bangkay pala ang laman kaya agad dumulog sa barangay sina Santiago.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.

Natagpuan din nitong Lunes sa service road ng C-5 Barangay Pinagsama, Taguig ang bangkay ng isang hinihinalang biktima ng "salvaging" na nakabalot sa itim na garbage bag.

May plastic bag at naka-tape din ang ulo ng lalaking biktima, ayon sa tanod na si Felipe Baldoza Jr.

Nakita rin ang isang ice pick sa tabi ng bagkay, na nakitaan ng saksak sa tagiliran.

Walang nahanap na ID sa bangkay pero ipinagpapalagay ng mga awtoridad na ito'y nasa edad 25 anyos.

Posible rin anilang pinatay ang lalaki sa ibang lugar at itinapon lang sa pulis.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at motibo sa krimen.

-- Ulat nina Ernie Manio at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.