SAPUL SA CCTV: Pagnanakaw ng side mirror sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 07:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan ng CCTV sa Barangay Roxas, Quezon City noong Sabado ang pagnanakaw ng isang kawatan sa side mirror ng isang sport utility vehicle (SUV).

Pasado alas-tres ng madaling araw nang makuhanan ang lalaki na dumikit sa sasakyan at mabilis na tinanggal ang side mirror nito.

Napansin niyang nakatutok ang CCTV kaya yumuko siya at tinakpan ang mukha gamit ang sombrero bago kuhanin ang isa pang side mirror.

Kinaumagahan nalaman ng may-ari na si Kat Cruz na tinangay ang mga salamin ng kaniyang sasakyan.

Ayon kay Cruz, noong nakaraang linggo ay may nabalitaan na siyang ilang mga sasakyang ninakawan din ng side mirror.

"I think last week yata tapos nahuli naman daw 'yong grupo na kumuha," aniya.

Ipina-blotter na ni Cruz ang insidente sa barangay.

Umaasa rin siyang maghihigpit at paiigtingin ng barangay ang kanilang seguridad.

Nagpaalala naman si Quezon City Police District Director Guillermo Eleazar sa mga may-ari ng sasakyan na doblehin ang pag-iingat.

"Dapat naka-secure din sila (mga sasakyan), 'yong garahe natin dapat secured, napaka-importante pa rin na mayroong alarm system," ani Eleazar. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.