Sanggol na tinangay bilang 'pamalit,' nabawi

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 02:12 PM | Updated as of Apr 15 2018 07:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naibalik sa kaniyang pamilya ang sanggol na babaeng dinukot sa Las Piñas noong Setyembre ng isang babaeng nagpakilala bilang tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Natunton ng pulisya sa Victoria, Tarlac noong Sabado ang suspek na si Roselle Garcia, 42, matapos makatanggap ng sumbong sa Facebook ang ama ng tinangay nitong sanggol.

Noong Seytembre, nagpakilala si Garcia sa ina at lola ng sanggol, na noo'y nasa Las Piñas General Hospital para ipa-check up ang sanggol at ang kakambal nito.

Nagpakilala si Garcia sa pangalang Natalie Damaso at sinabing siya'y kawani ng DSWD. Inalok ng suspek ang ina na tulungang maipasok ang kambal sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Nang ipagkatiwala ng ina ang musmos sa suspek habang nasa isang kainan ay biglang sumalisi ang suspek at tinangay ang bata.

Kuwento ni Garcia, tinangay niya ang anak ng iba bilang pamalit sa kaniyang namatay na sanggol.

Noong Setyembre kasing iyon ay nasa ospital umano si Garcia para magpagamot matapos manganak nang premature at mamatay ang kaniyang pinagbubuntis.

Hindi niya sinabi sa asawa at mga kaanak na ibang sanggol pala ang iniuwi niya.

Nahaharap si Garcia sa kasong kidnapping. -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.