5 magkakapatid, nalunod sa ilog sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2017 02:17 PM | Updated as of Apr 11 2017 08:55 PM

Kuha ni Bayan Patroller Emelita Siervo

Limang batang magkakapatid ang sabay-sabay na nalunod sa isang ilog sa Brgy. Doña Anecita, Pambujan Northern Samar, Lunes ng tanghali.

Kinilala ang mga bata na sina Janella Suansing, 10-anyos, John Cedric Suansing, 7, Johnprix Suansing, 5, John Jossel Galliardo, 3, at John Felix Galliardo, 2.

Ayon kay SPO1 Leo Mejos ng Pambujan Northern Samar Municipal Police Station, tinitingnang anggulo ang posibleng pagkahulog ng bunsong si John Felix sa ilog at pagsunod ng mga nakatatandang kapatid para sagipin ito ngunit hindi kinaya ang lalim ng ilog.

Kuha ni Bayan Patroller Emelita Siervo

Sa panayam ng mga pulis sa ina ng mga bata, sinabi nitong Lunes ng umaga ay nagpaalam ang mga bata na maliligo sa ilog na ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay ngunit pinagbawalan niya ang mga ito.

Tanghali na ng makita ng isang mangingisda ang palutang-lutang na mga katawan ng magkakapatid.

Isinugod pa ang mga bata sa St. Scholastica's Hospital ngunit wala nang buhay ang mga ito.

Kasalukuyang nakaburol sa simbahan sa Brgy. Doña Anecita ang magkakapatid.