Patay na balyena, natagpuan sa Catanduanes

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 07:20 PM

Nakita ang isang patay na balyena sa dalampasigan sa silangang bahagi ng Catanduanes, Lunes ng hapon.

Sa kuha ni Bayan Patroller Christopher Rojo, makikita ang patay na balyena sa mabatong bahagi ng dalampasigan sa Barangay Dororian, bayan ng Gigmoto.

Natagpuan ng mangingisdang si Eli Poririt ang balyena na tila naipit at nadaganan na ng malalaking bato. 

Sa panayam ng Bayan Mo, Ipatrol Mo kay Police Senior Inspector Voltaire Jun Pedido ng Gigmoto Municipal Police Station, naireport na umano nila ito sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ngunit sa laki nitong 10 metrong haba at 6 na metrong lapad ay hindi na ito kayang buhatin pa upang ilibing.

Nakipag-ugnayan din ang BMPM sa Agriculturist 1 Fishery Coordinator ng Municipal Agriculture Office ng Gigmoto na si Lea Dayawon at dinagdag niya na maging ang backhoe ay hindi kakayaning tangalin ang patay na balyena dahil naman sa mabato at di maaakyat ang kinaroroonan nito. Hihintayin na lamang daw maagnas ng tuluyan ang patay na balyena. 

Ngunit kinumpirma rin nito na walang dapat alalahanin ang mga residente ng lugar dahil sa malayo daw ito sa kanila.