Marine protected areas sa Coron nais buksan sa turista

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 10:21 AM

PALAWAN - Ibinida ng Coron municipal government at nang Ecosystems Improved for Sustainable Fisheries o Ecofish, ang mga marine protected area sa Coron sa pagbisita ni Deputy Chief of Mission Michael Klecheski ng US Embassy.

Ang Ecofish ay isang USAID funded organization na layon na mapataas ang kamalayan ng mga tao sa komunidad sa tamang pangangalaga sa karagatan at sa mga lamang dagat na nakatira dito. Isa rin sa kanilang mga layunin ay mapataas pa ang fish biomass upang mapanatiling sapat ang dami ng isda sa lugar.

"It's inter-LGU intervention na ang layunin niya is to increase fish biomass by 10% and also increase employment of people dependent on the fisheries, increasing employment also by 10%," sabi ni Prof. Nygiel Armada, chief of party ng USAID, Ecofish Project.

Isa umano sa kanilang ipinagmalaki sa mga bisita ay ang marine protected area ng Siete Pecados.

Isa ito sa mga marine protected area na kanilang pinapangalagaan sa buong Calamianes Group of Islands.

Ayon sa kanilang pag-aaral, malaki umano ang potensyal ng Coron na mas makilala pa kung idadagdag sa mga atraksyon nito ang mga marine protected areas.

"Paggamit ng marine protected area as tourist destination, you know that protected area earn something like P2 million a year? Sa ano lang 'yun sa users fee lang sa mga kinokolekta lang sa mga turista," dagdag pa ni Armada.

Magpapasa umano sila ng rekomendasyon sa LGU ng Coron at mga kalapit pang island municipalities hinggil sa planong ito.

Kapag tuluyan umano maisakatuparan ang proyekto ay hindi lamang ang mga mamamayan ang makikinabang dito kundi mas mapapagyaman at mapapangalagaan rin ang iba't ibang marines species sa karagatan.