Sunog sumiklab sa Las Piñas dahil sa napabayaang almusal

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 05:07 AM | Updated as of Mar 14 2018 09:04 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Nawalan ng tirahan ang nasa 1,000 pamilya matapos masunog ang isang residential area sa Las Piñas ngayong Miyerkoles. 

Nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Laong Compound, Barangay Almanza Uno kung saan maaaring hindi nabantayan ang niluluto nang isa sa mga residente, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). 

Dagdag naman ng isang residente, may nagsaing umano ng kanin sa naturang bahay gamit ang kahoy na panggatong at maaaring naiwanan ito. 

Mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa Sampaguita Street, Pilar Village dahil magkakadikit ang mga bahay at gawa sa light materials, sabi ng BFP. 

Sa kasagsagan ng sunog, ilang beses na nakarinig ang mga residente ng pagsabog ng mga tangke ng LPG. 

Nasa P1.5 milyon na ang halaga ng naabong ari-arian sa 575 na bahay. 

Dalawa naman ang nagtamo ng minor injuries sa insidente. 

Pansamantalang nakasilong sa isang basketball court ang karamihan ng mga nasunugan. 

Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News