NPA 'recruiter' huli sa pagbebenta ng baril

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 05:16 PM | Updated as of Mar 14 2018 05:41 PM

Nahuli sa entrapment operation ang umano'y recruiter ng NPA matapos na magbenta ng baril sa Ilocos Norte nitong Martes. Photo courtesy of the Sarrat, Ilocos Norte police 

SARRAT, Ilocos Norte - Balik-kulungan ang isang hinihanalang "recruiter" ng New People's Army (NPA) makaraang magbenta umano ng baril sa Barangay 16 dito noong Martes ng gabi. 

Naaktuhan si alyas James, 53, na nagbebenta ng kalibre .38 na baril at ilang bala sa halagang P2,500, ayon sa mga pulis. 

Modus na anila ng mga pulis ang paggamit ng iba’t ibang pangalan para makapagbenta ng armas. 

“Anim na buwan natin siyang minonitor at napatunayan natin na iba-ibang pangalan ang ginagamit niya para makapagbenta,” sabi ni Chief Inspector Roldan Suitos. 

Ipinagtataka naman aniya ng mga imbestigador kung saan kinukuha ng suspek ang mga ibinibentang homemade na baril at bala. 

Nahulihan din aniya ito ng 4 na pakete ng hinihinalang shabu. 

“Posible na sinasabay niya sa pagbenta ng baril ang pagtutulak ng droga,” dagdag ni Suitos.

Bineberipika pa ng pulisya ang impormasyong nagre-recruit si James ng mga gustong sumali sa NPA -- alegasyong mariing itinanggi ng suspek. 

“Walang nakuha sa akin kasi nagbagong-buhay na ako at hindi totoo na miyembro ako ng NPA at nagre-recruit ako,” sabi niya.

Taong 2015 nang mahulihan si James ng shabu at baril sa kaniyang tahanan. Nakulong siya pero nakalaya matapos magpiyansa nitong 2017. 

Nahaharap siya sa panibagong kaso ng pag-iingat ng shabu at hindi lisensiyadong baril at mga bala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.