Mga pensiyonado ng GSIS, obligadong mag-'APIR'

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:25 PM | Updated as of Mar 14 2018 08:38 PM

Kabaligtaran ang patakaran ng SSS sa mga pensiyonado nito

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muling inoobliga ng Government Service Insurance System o (GSIS) ang mga pensiyonado nitong miyembro na magpakita sa ahensiya para maberipikang buhay pa sila.

Ayon sa GSIS, mula Marso 23 hanggang Hunyo 30, kailangan magpaberipika sa alinmang opisina ng GSIS o GSIS Wireless Automated Processing System kiosks ang mga pensiyonadong edad 79 anyos pababa, na nakatira sa Pilipinas.

Taong 2011 nang suspendihin ng GSIS ang Annual Pensioners Information Revalidation (APIR).

Ibinabalik ng GSIS ang APIR ngayon para matiyak na nakukuha ng mga lehitimong miyembro ang kanilang mga benepisyo.

Exempted naman sa APIR ang mga pensiyonadong 80 anyos pataas.

Kung nakabase naman sa ibang bansa ang pensiyonda, maaari silang mag-APIR sa pamamagitan ng Skype sa GSIS.

Kada taon na ang APIR at mahihinto ang pensiyon kung mapaso ang "active" status ng miyembro at hindi siya maberipika ng GSIS para sa panibagong taon.

Paliwanag ng GSIS, layunin ng APIR na maprotektahan at mapalago ang pondo ng ahensiya para mas matustusan nito ang benepisyo ng mga miyembro.

"Gusto namin ang nakakatanggap [ng pensiyon] 'yong talagang dapat lang tumanggap, 'yong nakikinabang, 'yong dapat lang makinabang. Kasi kapag hindi namin i-verify ito, ang makikinabang 'yong hindi miyembro, kawawa naman ang pondo," ani Atty. Clint Aranas, GSIS president at general manager. 

Sa ngayon, nasa mahigit P1 trilyon na ang pondo ng GSIS.

PATAKARAN NG SSS

Baligtad naman ang patakaran ng Social Security System (SSS) sa mga pensiyonado simula ngayong taon dahil hindi na kailangang magpakita para sa beripikasyon ang mga nagpepensiyon mula sa ahensiya.

Ibig sabihin, tuloy lang ang pensiyon ng SSS para sa mga edad 84 pababa na nakatira sa Pilipinas kahit walang "annual confirmation of pensioners" o ang taunang pagharap ng mga pensiyonado sa mismong tanggapan ng SSS.

Gayunman, kailangan pa ring beripikahin ng SSS ang mga pensiyonadong edad 85 pataas, pati na ang mga total disability pensioner at survivor pensioner.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.