Holdaper na namaril, timbog matapos abutan ng pulis na nagme-merienda

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:48 PM | Updated as of Mar 14 2018 11:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang holdaper na nambugbog at namaril sa isang motorcycle rider sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension noong nakaraang linggo.

Sa kuha ng isang dashcam, biglang tumawid at humarang sa isang motorcycle rider ang suspek kung saan niya ito pinagsusuntok at binaril sa ulo.

Plano palang gamitin ng suspek ang motor bilang get-away vehicle matapos niyang mang-holdap sa isang pampasaherong jeep kung saan nakuha nito ang shoulder bag ng isang pasahero.

Pero dahil umano sa init ng panahon, napagod ang suspek, na kinilalang si Jonathan Natayan, at huminto ito para bumili ng pagkain sa isang sidewalk vendor.
    
Doon na siya inabutan ng mga pulis at inaresto.
    
Ayon kay Natayan, buntis ang asawa niya at wala siyang pampakain kaya siya nang-holdap.

Kinasuhan na si Natayan ng robbery holdup, carnapping, attempted homicide, at assault.

Nakatakda namang operahan ang biktimang nabaril para tanggalin ang balang bumaon sa kaniyang leeg.

Isang site engineer ang biktima at papasok na sana sa trabaho nang mangyati ang insidente.     
    
Nagdarasal ang kaniyang pamilya na maliligtas siya sa lalong madaling panahon.
    
--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.