DENR pinuna ang ilang bahagi ng Pagudpud Beach sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 06:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Napanatiling malinis ang karagatan ng Pagudpud, Ilocos Norte base sa resulta ng regular monthly water sampling ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
    
Pero sa pag-iinspeksiyon ni Environment Secretary Roy Cimatu sa bahagi ng Balaoi sa Pagudpud, nadiskubreng may mga naitayong cottage at stall sa salvage o easement zone.

Dapat kasi ay 20 metro ang layo ng mga establisimyento mula sa highest tide line kaya ang mga lumagpas ay ipinatatanggal ng kalihim.

Makitid din ang barangay road dahil imbes na 10 metro ang lapad nito ay anim na metro lang ito.

May mga parte rin ng establisimyento at landing area ng zipline ng isang resort na nasa bahagi na ng kalsada.

Napansin din ng kalihim ang natabas na bahagi ng bundok kung saan itinatayo ang naturang resort.

"Medyo nabawasan ang mga kahoy, mga indigenous na kahoy. E sabi ko bakit nangyari 'yan meron bang tree cutting permit sila? So vine-verify natin kasi kung wala, eh di gagawa tayo ng notice of violation," giit ni Cimatu.

Nadiskubre rin ang isang creek na dumidiretso sa dagat.
    
Iniutos ni Cimatu sa EMB na isama sa water sampling ang tubig doon dahil may mga buwan na mataas ang E.coli content ng tubig sa Balaoi.

Ayon kay Cimatu, may problema rin sa land ownership ang ilang residente at may mga nagkakaniya-kaniya sa pagpapatayo ng mga establisimyento.

"Matagal ko nang pinagsabihan ang mga may-ari ng ilang establisimyento pero nagmamatigas. Hindi nagko-comply kaya ito ang kanilang problema," ani Pagudpud Mayor Marlon Sales.

Magpapadala ang DENR ng task force sa lugar para mag-imbestiga at mag-issue ng notice of violation kung kinakailangan.

--Ulat ni Bryan Realgo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.