BALIKAN: Paano nabasura ang kaso laban kina Kerwin Espinosa at iba pang 'drug lord'

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 11:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nobyembre 2016 nang idetalye ni Kerwin Espinosa sa pagdinig ng Senado ang pagkakasangkot niya sa kalakalan ng ilegal na droga.

Dito, isa-isang binanggit ni Espinosa ang mga suplayer niya ng droga, mga opisyal na nasa kaniyang payola, at mga nagsilbing protektor niya.

Kaya marami ang nagulantang nang ibasura ng Department of Justice (DOJ) noong Disyembre 20, 2017 ang reklamong isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban kina Espinosa, Peter Lim, Peter Co, at iba pang malalaking drug lord umano sa bansa.

Isa pang pinagtataka ng ilan ay nitong Marso 12 lang naisapubliko ang desisyon ng DOJ.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dahil sa mga batikos, nais paimbestigahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang mga humawak sa kaso.

Sa isang department order, pinaiimbestigahan ni Aguirre kung may nagawang paglabag sa batas ang mga piskal ng National Prosecution Service sa dismissal ng mga reklamong isinampa laban kina Lim, Espinosa, Co, at iba pa.

Nagtalaga na rin si Aguirre ng acting prosecutor general at iba pang prosecutor na hahawak sa motion for reconsideration na isinumite ng CIDG.

Pero tila ipinagtanggol pa rin ni Aguirre ang kaniyang mga piskal at sinisisi ang CIDG dahil hindi isinama sa kanilang naunang reklamo ang pag-amin ni Espinosa sa Senado na siya ay isang drug dealer.

Ayon pa sa DOJ, walang naipresentang matibay na ebidensya ang CIDG na magpapatunay na sangkot nga sa ilegal na droga ang mga inireklamo.

Duterte pumalag sa desisyon

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Facebook post ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ay nagalit at nagsabing 'pag nakawala ang mga drug personality sa kulungan, si Aguirre ang ipapalit niya.

Umaasa naman si Senador Richard Gordon na babaligtarin ng ahensya ang desisyon dahil naniniwala siyang may basehan ito. 

"What can the Senate do if Espinosa is cleared? We can make life difficult for Aguirre. We can investigate him, but in the end, it's an executive decision," pagbabanta ni Gordon. 

Ang National Union of People's Lawyers, na tumutulong sa mga mahihirap na biktima ng war on drugs, umaasang magkakaroon ng resulta ang ipinakitang galit ng Pangulo.

Sa ngayon, kumpiyansa ang CIDG na mababaligtad ang naunang desisyon ng DOJ.

"Kung hindi ako confident, hindi na ako magfa-file ng motion. My reputation is at stake here... This is a high-profile case, a case for the Filipino people," ani CIDG Director Roel Obusan.

Pero kung tuluyan nang maaabsuwelto sina Espinosa, Lim, at iba pa, gagamitin na ng CIDG Director ang kaniyang subpoena powers sa iba pang testigo para mas mapalakas ang ebidensya laban sa mga suspek.

-- Ulat nina Bianca Dava at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.