Ano ang parusa sa taong pumatay sa asawa?

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 06:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maaaring maharap sa kasong parricide at masentensiyahan ng reclusion perpetua ang sinumang mapapatunayang pumatay ng sariling pamilya tulad ng asawa.

Lumabas ito sa talakayan ng programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Martes kaugnay sa balita ng pagpatay at pagpira-piraso ng isang lalaki sa kaniyang misis sa Quezon City noong Linggo.

Ayon kay Atty. Claire Castro, mataas na parusa ang kakaharapin ng suspek sa ginawang krimen sa asawa.

"Kung normal ang pag-iisip niya nu'ng ginawa 'yun, at hindi mapapatunayang insane siya, ang parusa dito is reclusion perpetua to death, although wala tayong death, so reclusion perpetua 'yung pinakamataas na penalty," sinabi ng abogado.

Paliwanag ni Castro, ang parricide ay nangyayari kung pinatay ng isang tao ang kaniyang sariling asawa o lawful spouse, ina, ama, anak, at legitimate ascendants or descendants.

Ngunit ayon sa abogado, infanticide ang krimen kung ang pinatay na anak ay 3 araw pa lang ang tanda.

Samantala, murder naman ang krimen kung hindi kasal o ka-live in lang ang pinatay.

Bukod sa mga ito, tinalakay din ang "crime of passion" o krimen na nagawa dahil sa labis na emosyon.

Hindi lang nangyayari ang crime of passion sa pagpatay sa sariling asawa, ayon kay Castro.

"Let's say, hindi naman napatay, violation against women and children, [crime of passion pa rin]," ani Castro.

Halimbawa umano nito ay ang pambubugbog o pananakit dahil sa selos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.