2 patay, 15 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Atimonan

Junry Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:59 AM | Updated as of Mar 16 2018 06:16 PM

MAYNILA - Patay ang 2 tao habang sugatan ang 15 iba pa sa karambola ng 3 sasakyan sa Maharlika Highway Diversion Road sakop ng Barangay Sta. Catalina sa Atimonan, Quezon, Martes ng gabi.

Ayon sa Atimonan police, sangkot sa karambola ang isang bus, isang trailer truck at isang 10-wheeler truck na papunta sa direksiyon ng Bicol nang mangyari ang aksidente bandang alas-9:00 ng gabi.

Dead on the spot ang driver ng Philtranco bus na kinilalang si Juan Manuel ViƱas Bron III, 28, at ang isang pasahero nitong si Lorenzo Salundagit Lesano, 52.

Kritikal naman ang kondisyon nang drayber ng trailer truck na si Flacielito Agustin Abalos.

Sa inisyal na ulat, lumitaw na una umanong nawalan ng kontrol ang trailer truck sa pababang bahagi ng highway. Inararo nito ang bus at 10-wheeler truck sa kanyang unahan.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumalsik sa kabilang lane ang bus hanggang sa mahulog sa bangin na tinatayang may 40 talampakan ang lalim.

Samantala, agad namang naisugod sa pinakamalapit na ospital ang mga pasahero ng bus at ang drayber at pahinante ng nasagasaang 10-wheeler truck.