11 anyos na babae, dinala sa dilim, 'hinipuan' umano ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:02 PM | Updated as of Mar 14 2018 08:53 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inireklamo ng isang 11 anyos na babae ang pagharang at umano'y paghipo sa kaniya ng mga pulis sa isang madilim na eskinita sa Sampaloc, Maynila noong Lunes ng gabi.

Nakuhanan ng CCTV ng Barangay 484 ang pagdating ng apat na naka-sibilyang pulis na may nakasukbit na baril sa kanto ng Simoun Street at Prudencio Street sa Sampaloc.

Kita rin sa video ang batang babae na nakaputing damit na lalabas sana ng eskinita para pumunta sa kalapit na tindahan.

Napabalik ang bata nang makita ang tanod dahil natakot umano siyang mahuli sa curfew.

Nang makita ng mga pulis ang bata ay sinundan nila ito sa eskinita at pinalibutan.

Ayon sa ina ng bata, hinawakan umano ang dalagita sa puwet.

"Kinapkapan po siya, hinawakan daw po 'yong puwet... samantalang nilabas naman niya 'yong bulsa niya sa harap ng short. Sobrang [na]takot nga siya," sabi ng ina ng biktima.

Nahagip din ng CCTV ang bata na inaayos ang kaniyang shorts.

Mula nang mangyari ang insidente ay natakot na umano ang bata na pumasok sa eskuwelahan.

Kinumpirma naman ng Sampaloc Police na mga taga-Station Drug Enforcement Unit ang mga naka-sibilyang pulis, na nagsasagawa umano ng anti-illegal drug operation sa lugar.

Katuwiran nila ay kahawig daw ng dalagita ang isang menor de edad na drug courier o tagahatid ng droga na kanilang minamanmanan.

"Nakita naman ng pulis na wala tayong nakuhang ebidensiya sa kaniya o illegal drugs so pinawalan siya," ani Senior Inspector Philipp Ines, public information officer ng Sampaloc Police.

Inamin ng mga pulis kinapkapan nila sa madilim na lugar ang bata para maiwasan ang kaguluhan at magmukhang inaaresto nila ang bata.

"Maghahatanggabi na pero nasa labas pa siya. Kahina-hinala naman iyon," sabi ni Ines.

Itinanggi naman ng mga pulis na hinipuan nila ang bata.

"Sa tingin ko malisyoso lang 'yong statement [ng bata]," ani Ines.

Nakitaan naman ng mali ni Superintendent Erwin Margarejo, ang public information officer ng Manila Police District (MPD), ang ginawang pagkapkap ng mga pulis.

"Definitely dapat may presence ng barangay officials (kapag kinapkapan)," ani Margarejo.

Nagsampa ng reklamo laban sa mga pulis sa MPD Women and Children's Desk ang dalagita at ang kaniyang ina.

Sumailalim na rin sa counseling ang biktima sa Department of Social Welfare and Development.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.