Bus drayber na nanipa ng traffic enforcer, humingi ng tawad

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2017 08:00 PM

MANILA- Matapos manipa noong isang linggo habang nasa EDSA, humihingi ngayon ng tawad ang isang bus drayber sa kaniyang nasaktang traffic enforcer.

“Pasensya na ho. Yung pagkakataon na yun siguro hindi tayo nagkaintindihan dahil naka-concentrate kami dun sa nagsumbong sa inyo sir. Hindi namin sinasadya ang pangyayaring iyon sir pero ayaw lang namin na humaba pa yung init ng ulo natin sir kaya umalis na lang kami,” ani Jefferson Dela Cruz, drayber ng Baclaran Metrolink Bus, sa panayam sa DZMM. 

Sa isang video na kumalat sa mga social media sites noong nakaraang linggo, nakunan si Dela Cruz at ang isang konduktor na sinisigawan ang traffic enforcer na si Larry Chinel.

Ngayon, naninidigan ni Chinel na ituloy ang kaso laban kay Dela Cruz at sa konduktor.

“Kahiya-hiya yung ginawa mo sa akin dapat pag ganyan kinakausap mo ko ng maayos hindi yung bigla kayong nagalit sa akin…pambabastos yung ginawa niyo sa akin,” ani Chinel habang kausap ang drayber sa DZMM. 
 
Inaayos na ng Quezon City Department of Public Order and Safety ang kasong isasampa kay dela Cruz at ang kasama niyang konduktor.

Ani Chinel, namagitan lamang siya kina Dela Cruz at sa isang motoristang kinilala bilang si Jhuwan Casidsid dahil inireklamo umano sa kanya ang bus.

“Sa totoo lang po namagitan lang po ako kasi may reklamo,” ani Chinel sa isang panayam sa DZMM nitong Lunes.

Paliwanag ni Casidsid, binabaybay niya ang kahabaan ng EDSA nang bigla siyang ungusan ng bus sa may Quezon Avenue. 

Muntik umanong mawalan si Casidsid ng balanse nang biglang nagbukas ng pinto ang bus upang magbaba ng pasahero.

Humingi si Casidsid ng tulong kay Chinel upang makausap ang driver at konduktor ng bus na mainit na umano ang ulo nang harapin sila.

“Hindi naman po talaga ako nagalit doon eh bigla na lang sila highblood sa akin,” ani Chinel.

Nakunan ni Casidsid ang pangyayari sa kanyang cellphone at sinabi rin na napagbuntungan lamang si Chinel ng init ng ulo ng driver at konduktor.

Ayon kay retired Gen. Elmo San Diego ng DPOS-QC, nakausap na nila si Dela Cruz at ang konduktor na nagpaliwanag na nabigla lamang daw sila sa pangyayari.

May criminal liability umano ang dalawa ayon kay san Diego dahil sa kanilang paninipa at pagmumura kay Chinel.

Paliwanag naman ni Dela Cruz, napagbuntunan lang nila ng galit si Chinel dahil ayaw nilang makuhaan ng video.

“Hindi po naman mainit yung ulo namin nun sir, ayaw lang po sana namin ma-video sir,” ani Dela Cruz.