Baguio, sobrang lamig; GenSan, sobrang init

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 10:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kung ano'ng lamig ng panahon sa Baguio City, siya rin namang init sa General Santos City. 

Nitong umaga ng Lunes, bumagsak sa 11.2 degrees Celsius ang temperatura sa Baguio. 

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), ito na ang pinakamalamig na temperaturang naitala ngayong taon.

Bunsod ng paglakas ng hanging amihan ang biglaang paglamig.

Asahan din ang malamig na panahon sa lungsod hanggang sa unang linggo ng Abril.

Paalala naman ng city health department, iba't-ibang sakit ang nakukuha sa pabago-bagong panahon.

Tulad ng isang guwardiya na sumakit ang ulo dahil sa nakapangangatog na lamig.

Pero para sa ilang estudyante, hindi sakit ang dapat pangambahan kundi ang himbing ng tulog sa malamig na panahon kaya napakahirap din daw pumasok sa paaralan.

Sa General Santos City, naitala naman ang pinakamainit na temperatura ngayong taon.

Ayon sa PAGASA, naitala ang 35.4 degrees Celsius sa naturang lungsod.

Maaaring araw na rin lang ang binibilang bago ideklara ang pagsisimula ng panahon ng tag-init.

Naghahanda na ng pondo ang city agriculture office at pinaghahanda na rin ang mga magsasaka sa epekto ng mainit na panahon.

Pero ngayon pa lang, nag-aalala na ang ilang magsasaka dahil natutuyo at nalalanta agad ang kanilang mga pananim.

Maaga na ring nag-ani ang ilang magbubukid.

Ayon sa pagasa, 40-41 degrees Celsius ang naitalang heat index o naramdamang init nitong Lunes sa GenSan.

Pinag-iingat naman ng city health office ang mga residente laban sa heat stroke.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.