PAGASA: Tag-init, posibleng ideklara sa katapusan ng Marso

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 12:13 PM

MANILA - Posibleng sa katapusan ng Marso opisyal na magdeklara ang PAGASA ng simula ng tag-init.

Ayon kay weather forecaster Meno Mendoza, kasalukuyang nakakaapekto ang northeast monsoon o amihan sa hilaga at gitnang Luzon.

"Inaasahan natin na muling mawawala ang amihan pagsapit ng 13 ng buwang kasalukuyang," sabi ni Mendoza sa ulat niya sa DZMM, Sabado ng umaga. 

Paliwanag ni Mendoza, pag-alis ng amihan ay oobserbahan na ng PAGASA kung ilang araw na magiging mainit ang lagay ng panahon.

"At kung ma-satisfy ang ating criteria, baka po by the end of March, posible na po tayong mag-deklara ng summer season," sabi ni Mendoza.

Dahil sa amihan, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at mga isolated thunderstorm sa Bicol Region at sa Quezon province.

Sa Metro Manila, Ilocos Region at ilang bahagi ng gitnang Luzon, asahan ang bahagyang maulap na kalangitan na may pulo-pulong mahinang pag-ulan.

"Bumaba po ulit ang ating amihan kaya medyo malamig-lamig tayo ngayon," sabi ni Mendoza.

Sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Aurora naman ay inaasahang magiging maulap ang kalangitan na may mahihinang pag-ulan.

Ayon sa PAGASA, maaliwalas na panahon ang maaasahan sa nalalabing bahagi ng bansa, pero may posibilidad pa rin ng pulo-pulong pag-ulan. 

Delikado namang maglayag ang mga mangingisda sa baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Cagayan, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Camarines provinces, Catanduanes, at eastern coast ng Quezon kasama na ang Polillo Island dahil sa malalaking alon na dulot ng amihan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.