Pulis at 2 kasama, timbog sa buy-bust sa Laguna

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 05:05 AM

Arestado ang isang pulis at 2 nitong kasamahan sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Lawa, Calamba City, Laguna Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Marlon Sangalang, ang kinakasama nitong si Lenny Bacoto, at ang kakambal ni Lenny na si Lanny.

Nasamsam mula sa kanila ang tinatayang 54 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P450,000.

Ayon sa pulisya, isang pulis si Sangalang na nakatalaga sa MIMAROPA. Naka-AWOL umano ito simula pa noong 2007.

"Ito 'yung isa sa mga source sa Calamba na nag-di-distribute ng illegal drugs at galing din sa neighboring na probinsya," ani Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Calamba City police.

Matagal ng binabantayan ng pulisya si Sangalang bago isinagawa ang buy-bust.

Dagdag ni Maclang, may dating kaso si Sangalang ukol sa ilegal na droga ngunit na-dismiss umano ito.

"At least, this time, ma-filean natin siya. Air-tight ang kanyang magiging kaso," aniya.

Tumanggi namang magpagunlak ng panayam ang mga suspek na kasalukuyang nakaditene sa Calamba City police.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.