Kahirapan, idinahilan ng 4 na arestadong 'tulak'

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:22 AM

Arestado ang 4 na umano'y tulak sa magkahiwalay na operasyon sa Metro Manila nitong Miyerkoles.

Kinilala ang mga hinuli na sina Alvin De Guzman, 47-anyos; Rosita Encabo, 47-anyos; Adora Barcenas, 45-anyos; at Juliet Seraneines, 48-anyos.

Nahuli ang apat sa pinagsamang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency - National Capital Region, Quezon City Police District, at Southern Police District.

Dalawang linggong minanmanan ng awtoridad ang mga suspek na miyembro umano ng isang drug group.

Umamin naman ang mga suspek na sangkot sila sa pagtutulak dahil sa kahirapan.

"Wala po kasing mapagkuhanan ng pera. Naglalabada at plantsa po ako minsan, pero di naman po sapat ang kinikita ko," ani Encabo.

Si Barcenas naman ang tinutukoy na tagakuha ng ilegal na droga, batay sa imbestigasyon ng awtoridad.

Ihahatid umano ito sa iba't ibang kagrupo kagaya ni Seraneines para maibenta.

Narekober mula sa kanila ang P77,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Isang alyas Nato umano ang pinagkukuhanan ng mga suspek sa Cavite.

Mahaharap ang 4 sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.