'Palusot ni Duterte, di uubra sa ICC': Sabio, Alejano

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 10:03 PM

Hindi kumbinsido sina Magdalo Rep. Gary Alejano at Atty. Jude Sabio sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi polisiya ng kaniyang administrasyon ang pagpatay.

Sina Alejano at Sabio, kasama si Sen. Antonio Trillanes, ang mga naghain ng reklamo sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands, kaugnay ng mga umano'y extrajudicial killings noon sa Davao City, at ngayon sa buong bansa. 

Tila kumambiyo kasi nitong Martes si Duterte at sinabing ang kaniyang mga pahayag ay paglalabas lang ng galit. Wala rin daw siyang iniuutos na ilegal sa polisiya.

"[W]hen I express myself, 'I will kill you,' I am expressing a personal outrage. I never ordered anybody, not a single security guard even, na patayin mo 'yan," paglilinaw ni Duterte. 

Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng desisyon ng ICC na magsagawa ng preliminary examination sa akusasyon ng tahasang pagpatay sa gitna ng giyera kontra droga ng gobyerno.

Pero para kay Sabio, inaasahan niyang aabot ito sa pag-aresto sa Pangulo.

"Sa tingin ko magkakaroon dito ng warrant of arrest, hindi lang summons, kailangan siya i-arrest dahil merong necessity to stop the killings," paliwanag ni Sabio. 

May payo naman si Trillanes kay Solicitor General Jose Calida na nagsabing walang hurisdiksiyon ang ICC dahil gumagana pa ang sistema ng katarungan sa bansa.

"Nagtataka ako dito kay Calida, nagpa-panic siya eh, di ba? Eh 'wag siyang mag-panic, kung ako sa kaniya atupagin niya ang depensa niya sa ICC," ani Trillanes.

Bagama't umuusad ang kanilang reklamo sa ICC, tanggap nina Alejano na mahaba-habang proseso ang pagdaraanan nila at ng Pangulo.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.