Mga Dabawenyo, nag-alay ng dugo sa Valentine’s Day

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 05:05 PM

Nag-alay ng dugo ang ilang Dabawenyo sa Lingkod Kapamilya bloodletting activity sa Abreeza Mall nitong Miyerkoles. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Makabuluhan ang Valentine’s Day ng mag-asawang sina Rose at Marlon Balingit dahil pinili nilang mag-alay ng dugo bilang parte ng kanilang selebrasyon sa araw ng mga puso.

Isa lamang sila sa mga taong dumagsa sa Lingkod Kapamilya bloodletting activity sa Abreeza Mall nitong Miyerkoles.

“Donate mig blood para makatabang mi,” ani Marlon Balingit.
(Nagdonate kami ng dugo para makatulong.)

Meron ding mga magkasintahan, magkatrabaho, magkaibigan, at magkapamilya na sabay-sabay na nagdonate ng dugo ngayong araw.

Ayon sa Philippine Red Cross, malaking tulong ang pag-alay ng dugo dahil maliban sa makakatulong ito sa pagsalba ng buhay ng tao, mabuti rin ang naidudulot nito sa kalusugan.

Nakakapigil din ito ng mga sakit tulad na may kinalalam sa puso gaya ng hypertension.

At dahil Valentine’s Day, namigay din ng rosas ang MOR DJ’s sa mga babae na nagdonate ng dugo. Natuwa rin ang mga Kapamilya na nagpapicture sa love frame.

Inilunsad ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya bloodletting activity sa tulong ng Philippine Red Cross, Rotary of Davao Chapter, Abreeza Mall, Philippine Air Force at Philippine Army.

“Part of our mission is to help,” ani Ruby Uy, pangulo ng Rotary Club of Davao.

Ang Lingkod Kapamilya bloodletting activity ay kaugnay sa ika-29 na anibersaryo ng numero unong afternoon newscast sa Davao, ang TV Patrol Southern Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.