Koreano, tiklo sa pagbebenta umano ng ilegal na droga

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 07:56 PM | Updated as of Feb 14 2018 08:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nahuli sa Pasay City nitong Miyerkoles ng madaling araw ang isang Koreano at ang ilang kasamahan nito dahil sa paggamit at pagbenta umano ng ilegal na droga.

Naaresto ng pulisya sa isang follow-up operation ang Koreanong si Chi-heon Park, matapos mahuli ang kaniyang mga courier na maghahatid sana ng droga sa isa pang Koreano.

Unang nasita ng Sta. Ana police sa San Andres Bukid, Maynila bandang alas-2 ng madaling araw ang isang babae at lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo. 

Umiwas kasi ang dalawa sa isang checkpoint dahil walang rehistro ang kanilang motor. 

Nang busisiin ang kanilang gamit, nahanap ang shabu na ipinagbibili ni Park.

Nasa P30,000 ang halaga ng drogang nakuha kay Park, ayon sa hepe ng Sta. Ana Police Drug Enforcement Unit na si Senior Inspector Alfredo Tan Jr.

Bukod sa mga droga, iba't ibang drug paraphernalia ang nakuha mula kay Park, tulad ng butane gas, weighing scale, tooter, syringe, at vials.

Nakuha rin ng pulisya ang isang 'blue book' o listahan ng mga parokyano ni Park. Nakasulat pa rito kung ilang gramo ang kinukuha sa kaniya.

Umamin si Park na sinamantala nila ng kaniyang nobya ang paggamit at pagbenta ng droga sa Pilipinas dahil mahirap umanong magdroga sa Korea.

Kasama ni Park na makukulong ang kaniyang nobya at ang dalawang nahuli sa checkpoint.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.