'Balik-manggagawa,' seafarers, di sakop ng Kuwait deployment ban

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 07:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi saklaw ng total deployment ban sa Kuwait ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nakabakasyon sa bansa at mga seafarer o mandaragat.

Naglabas ng guidelines o panuntunan nitong Miyerkoles ang Department of Labor and Employment (DOLE) na binibigyang linaw kung sinong mga manggagawang Pinoy ang maaaring pumunta sa Kuwait.

Batay sa panuntunan, hindi sakop ng deployment ban ang mga OFW na nakabakasyon lang sa Pilipinas at babalik sa dating employer sa Kuwait, mapaluma o bago man ang kontrata.

Maging ang mga seafarer na dadaan lang ng Kuwait o doon sasampa ang barko ay hindi sakop ng ban.

 

Sakop naman ng deployment ban ang lahat ng first-time workers, batay sa panuntunan.

Lunes nang magpataw ng total deployment ban sa Kuwait ang gobyerno dahil sa serye ng mga pang-aabuso at pagkamatay ng mga OFW doon, kabilang ang isang Pinay na natagpuang patay sa loob ng isang freezer.

Isang task force naman ang ipinadala ng DOLE sa rehiyon ng Middle East, kung nasaan ang Kuwait, para tingnan ang kalagayan ng mga Pilipino.

Ang kanilang ulat umano ang magiging batayan ng mga patakaran hinggil sa deployment o pagpapadala ng mga OFW.

"Kung mayroon talagang mga indication na namamaltrato nang husto 'yong ating mga kababayan ... we could consider that, although iyon nga, ito namang kaso ng Kuwait kasi talaga namang matindi ang record nila," ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

Mabibigyan naman umano ng livelihood package o pangkabuhayan ang mga uuwi mula Kuwait, na karamihan ay mga household worker.

Dagdag ni Bello, hinahanapan na nila ng ibang bansang maaaring pagtrabahuhan ang mga uuwi at nais pang mangibang-bansa muli.

Kabilang sa mga posibleng merkado umano ay ang China, Israel, at Japan.

Sa kabila nito, may pag-asa pa rin umanong maalis ang total ban kung pipirma ang pamahalaan ng Kuwait sa memorandum of understanding na magbibigay ng kaligtasan sa mga manggagawang Pinoy.

Ibinahagi rin ng DOLE na nakipagpulong sa kanila ang ambassador ng Kuwait at may posibilidad na sa Marso o Abril ay magkaroon ng kasunduan ang Kuwait at Pilipinas. 

Umaabot sa 25,000 Pinoy ang ipinapadala sa Kuwait kada taon.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.