2 menor de edad, timbog sa buy-bust sa CDO

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 05:50 AM

Arestado ang dalawang menor de edad sa ikinasang buy-bust sa loob ng isang hotel sa Cagayan De Oro City Martes ng gabi.

Ayon sa pulisya, kapuwa 17-anyos ang mga hinuling dalagita at binatilyo.

Ang dalagita ay tumigil na sa pag-aaral habang ang kasamahan nitong binatilyo ay grade 11 student sa isang pribadong paaralan. 

Kuwento ni PO2 Jeremy Valmore ng Police Station 8 - Lumbia, minamanman nila ang dalagita matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa umano'y pagtutulak nito.

Nagkasa ang estasyon ng buy-bust sa loob ng isang kuwarto sa isang hotel na nirentahan ng mga suspek. 

Nakabili ang isang operatiba ng P1,000 halaga ng ilegal na droga mula sa dalagita.

Inaresto din ng mga pulis ang binatilyo na nasa loob ng kuwarto. Nakuhanan din ito ng tatlong sachet na hinihinalang shabu. Nagkakahalaga umano ito ng P3,600.

"We believe most of their customers are also minors," ani Valmore.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga suspek sa ABS-CBN News.

Kahit na menor de edad pa ang mga hinuli, magsasampa pa rin ang pulisya ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa kanila.

Ayon sa mga pulis, depende na raw sa piskal kung saan ikukustodiya ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.