2 mangingisda, nawawala sa Ilocos Sur

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 11:04 AM

Hindi pa rin makita hanggang ngayon sina Salvador Tiqui (Kaliwa) at Adornado Tabucol, matapos na pumalaot noong Linggo, Pebrero 11 sa Magsingal, Ilocos Sur. Ria Galiste, ABS-CBN News

MAGSINGAL, Ilocos Sur – Umaasa ang pamilya ng 2 mangingisdang hindi pa nakakabalik nang pumalaot noong Linggo na buhay pa ang mga ito.

Hindi pa rin nakakauwi hangang sa ngayon ang mag-tiyuhin na sina Adornado Tabucol at Salvador Tiqui ng Barangay Puro, simula nang pumalaot kasama ang iba pang mangingisda noong Pebrero 11.

“Maliliit pa ang kanyang (Adornado) mga anak kaya sana makauwi sila. Wala nang magta-trabaho para sa kanila kaya hiling ko kung sino man ang makakakita sa kanila ipagbigay-alam sa amin," ayon kay Lucrecia Tabucol.

Kuwento ng kasamahan nilang si Larry Tiqui, nakasalubong nila ang malalaking alon hanggang sa hindi na nila makita ang dalawa.

“Noong pauwi na kami lumakas ang alon tapos noong tingnan namin 'yung mga kasama namin akala namin sumusunod sila, wala na. Binalikan namin pero wala na talaga sila,” aniya.

Kulay asul na bangka ang sinakyan ng mag-tiyuhin at may layong 30-milya lamang kung saan sila nangisda, ayon sa mga kasamahang mangingisda. Nagtutulungan na rin ang pulisiya at ang coast guard para mahanap sina Tiqui at Tabucol.

“Nai-flash alarm na at naki-coordinate na kami sa coast guard. Sana naisadsad lang sila dahil malakas ang hangin sa dagat,” sabi ni Senior Inspector Bryan Tacazon.

Sa sinumang may impormasyon hinggil sa dalawang nawawalang mangingisda, maari lamang na ipagbigay-alam ito sa pinakamalapit na police station or tumawag sa hotline number ng PNP-Magsingal, Ilocos Sur na 0977-4589-959/ 0998-5985-054.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.