Pulis na nanambang sa abogado, naka-AWOL; kasama, kilala na rin

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 04:37 PM | Updated as of Feb 13 2018 04:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kumpirmadong pulis ang isa sa mga salarin na nagtangka sa buhay ng isang abogado. 

Ayon kay Chief Superintendent Guillermo Eleazar, Quezon City Police District Director, si PO1 Mark Boquela Ayeras ay sinasabing naka-AWOL o absent without leave sa pulisya.

Namatay si Ayeras matapos sumemplang at masagasaan ng SUV ng biktimang si Atty. Arjel Cabatbat. 

Sugatan naman ang kasama ni Ayeras na si John Paul Napoles na dinala sa East Avenue Medical Center, habang nakatakas ang isa pa.

Pasado alas-12 ng madaling araw nang pagbabarilin ng tatlong salarin na nakamotorsiklo si Cabatbat at kanyang tatlong kasama habang sakay ng SUV at binabaybay ang kahabaan ng northbound lane ng EDSA.

Hinabol ng SUV ang mga motorsiklo habang nakikipagpalitan ng putok ang mga kasamahan ng abogado.

Pagbaba sa flyvover ng Quezon Avenue ay magkasunod na sinagasaan ng SUV ang 2 motorsiklo. 

Nawalan naman ng balanse ang SUV at aksidenteng tumagilid.

Samantala, kumbinsido si Cabatbat na may kaugnayan sa kanyang trabaho ang motibo ng mga salarin.

Aniya, posibleng patungkol ito sa isang kasong hinawakan niya pero di pa niya matukoy kung bakit pati siya ay nadamay pa.

Tumanggi namang magbigay pa ng ibang detalye ang abogado pero sinabing karamihan sa kanyang kliyente ay mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.