Kuwait deployment ban, 'lilinawin' para sa mga nagbabakasyon lang

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 09:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipinapanukala ang pagsusog sa total deployment ban ng mga manggagagawang Pinoy sa Kuwait matapos umalma ang ilang overseas Filipino worker (OFW) na nakabakasyon lang sa Pilipinas.

"Mayroon pong isa-submit si Secretary [Silvestre] Bello [III] po ngayon kay Presidente tungkol sa Labor Advisory clarifying itong total deployment ban," pahayag ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia.

"May proposal po doon na i-exempt doon 'yong certain types of 'balik-manggagawa.' For approval pa po kasi ni Presidente," aniya.

Kabilang sa mga balak alisin sa saklaw ng deployment ban ang mga may aktibong kontrata o mga may bagong kontrata at babalik sa dating employer o trabaho. 

Ito ay matapos sumugod sa tanggapan ng POEA ng ilang mga "balik- manggagawa" o iyong mga OFW na nakabakasyon lang sa bansa at nakatakdang bumalik pa ng Kuwait.

Hindi umano kasi malinaw sa kanila ang inilabas na kautusan ng gobyerno na nagbabawal sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

Kabilang sa mga pumunta sa POEA si Imelda Danila, na nagmadaling kumuha ng overseas employment certificate para matiyak na makababalik siya sa Kuwait sa Marso.

"Mababait naman kako ang mga amo ko, pabalik-balik na nga ako, 15 years na ... sayang din," sabi ni Danila sa panayam ng ABS-CBN News.

Labing-isang taon namang nagtatrabahong interior designer si Ever Villacruz sa Kuwait at nakatakda siyang bumalik sa katapusan ng Pebrero.

Nangangamba pa rin si Villacruz na hindi makalabas sa bansa dahil sa total ban bagaman may hawak na itong OEC.

"Baka mamaya 'yong balik-manggagawa, pagbalik namin bigla kaming magkaroon ng problema," ani Villacruz.

Kaya naman ang mga OFW na nasa Kuwait at nakatakda sanang magbakasyon sa Pilipinas ay nag-iisip na kanselahin muna ang pag-uwi.

Nilinaw naman ni Olalia na sakop ng ban ang mga may bagong employer.

"Pagka-bagong employer, hindi sila maka-categorize na balik- manggagawa ... 'Pag bago po kasing employer wala tayong track record," ani Olalia.

Tiniyak naman ng Malacañang na hindi pipiliting umuwi ang mga OFW sa Kuwait kung ayaw.

Hindi pa rin umano malinaw kung matutuloy ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait.

Hinihintay pa kasi umano ang aksyon ng pamahalaan ng Kuwait para mabigyan ng katarungan si Joanna Demafelis, isang Pinay hosehold worker na kamakailan ay natagpuang patay sa loob ng isang freezer.

Kinakailangan din ng isang bilateral agreement para maalis ang total deployment ban sa Kuwait.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hati ang reaksiyon 

Hati naman ang reaksiyon ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait sa ipinataw na total deployment ban. 

Dismayado ang ilang skilled workers dahil nadamay umano sila sa problema ng mga household service worker.

"Hindi naman lahat ng Kuwaiti, masasama eh, dapat ang tingnan nila 'yong agrabyado," anang OFW na si Trezery Haguimit.

"Huwag sana nating 'damay 'yong mga professional and skilled workers," sabi naman ni Ana del Mundo, vice chair ng Philippine Society of Marketing Specialists in Kuwait.

Umalma rin ang mga OFW advocates sa naging desisyon ng gobyerno. 

Pero nagalak sa deployment ban ang OFW na si alyas "Remy," na kapitbahay ng napatay na OFW na si Demafelis.

"Dapat hindi na papuntahin dito 'yong mga bago, baka mapunta sila sa mga among Satanas na salbahe," ani Remy.

Tuloy-tuloy naman ngayon ang repatriation o pagpapauwi sa mga undocumented o ilegal na OFWs sa Kuwait.

Nasa 400 ang nakauwi sa unang batch sa ilalim ng amnesty program ng Kuwait. 

"Nakikisama naman ang gobyerno ng State of Kuwait na nagbibigay ng exit visa para makauwi [ang undocumented OFWs] so samantalahin natin ang amnesty," ani Noordin Pendosina Lomondot, chargé d'affaires ng Philippine Embassy sa Kuwait.

Higit 2,000 exit clearance naman ang ipinalabas ng Kuwait Ministry of Interior para sa sunod-sunod na pagpapauwi sa mga undocumented OFW ngayong linggo.

Dumagsa rin ang mga distressed OFW sa Philippine Overseas Labor and Office sa Kuwait matapos ianunsiyo ni Pangulong Duterte na umuwi na ang mga gustong umuwi.

-- Ulat nina Zen Hernandez at Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.