Ilang residente sa Davao, nag-'bakwit' sa takot kay 'Basyang'

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 08:16 PM

Lunes pa lang ng gabi ay nag-umpisa nang lumikas ang halos 100 indibidwal mula sa Barangay Tigatto, Buhangin District, Davao City dahil sa takot na muling bahain, sa pagkakataong ito mula sa bagyong "Basyang."

Karamihan sa mga lumikas na residente ay nakaranas ng hanggang bubong na taas ng baha dahil sa bagyong "Vinta" Disyembre noong nakaraang taon.

Pasado alas-10 ng gabi ay tumungo sa covered court sa Juliville Subdivision ang mga nasabing residente. 

Pagdating sa evacuation center ay kani-kaniyang hanap ng puwestong matutulugan ang mga bakwit. 

Si Agnes Grande, hindi mapigilang maging emosyonal dahil sa awa sa kanilang kondisyon. 

"Mga apat na baha na ang grabeng [dinanas namin] way back 1998, followed by 2002, 2013 and 2017. Ang 2017 talaga ang pinaka- worst. Inuna ko mother ko talaga, wala akong ibang na-save basta buo ang pamilya namin," ani Grande. 

Kabilang sina Grande sa himugit-kumulang 100 indibiduwal na maagang lumikas sa takot na maulit ang sinapit kay "Vinta."

--Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.