Ambush sa abogado, idinidikit sa hawak na kaso

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 08:53 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang doktor ang pinaghihinalaan ng pulisya na utak sa likod ng pananambang sa isang abogado at sa mga kasamahan nito sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.

Nahawakan umano ng biktimang abogado na si Argel Cabatbat ang kasong nauwi sa pagkakatanggal ng doktor sa trabaho.

"One of the cases na hina-handle niya (Cabatbat) ngayon ay nag-resulta sa pag-file ng kaso sa isang doctor na sinasabing napatanggal sa trabaho," pahayag ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, direktor ng Quezon City Police District.

"The reason why I am looking at this particular case is because there is already an incident wherein the complainant against this person was killed," sabi naman ni Cabatbat.

Bandang alas-12 ng hatinggabi nitong Martes, tinambangan ng tatlong lalaking sakay ng dalawang motorsiklo ang sports utility vehicle (SUV) na lulan si Cabatbat at ang tatlo pa niyang kasama sa may northbound lane ng EDSA.

Nasa likod ng sasakyan si Cabatbat kaya nakita niya agad ang kilos ng mga suspek.

"'Yong isa, n'ong tumingala na ako, sumubok na bumunot para magpaputok kaya lang na-out of balance siya kasi medyo mahirap 'yon eh," kuwento ni Cabatbat.

Nakuha umano ng isang kasamahan ni Cabatbat ang baril mula sa loob ng SUV at nakipagpalitan ng putok sa mga naka-motor.

Nasawi ang isa sa mga gunman na kinilalang si Police Officer 1 Mark Boquela Ayeras.

Napag-alamang "AWOL" status o liban nang walang paalam si Ayeras at nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng National Capital Police Regional Office.

Ang isa pang suspek ay kinilala bilang si John Paul Napoles, na nasa ospital at kustodiya ng mga pulis.

Nakatakas naman ang isa pang suspek.

Iniimbestigahan din ng QCPD ang kaugnayan ni Ayeras sa iba pang insidente ng mga gun-for-hire.

Inaasahan ding sa mga susunod na araw ay sasampahan ng kaso ng biktimang abogado ang mga pinaghihinalaan niyang may kinalaman sa pananambang.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.