Taxi driver sa viral video ng pambubugbog sa mall, nagsampa na ng kaso

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 09:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Desidido ang isang taxi driver na sampahan ng kaso ang isa sa mga guwardiyang bumugbog sa kaniya sa labas ng isang mall sa Maynila. 

Nag-viral pa sa social media ang video kung saan nakitang pinagtulungan ng dalawang guwardiya ang tsuper na si alyas "Joel."

Kuwento ni Joel, nagkainitan sila dahil umabante siya habang pinapadaan ng dalawang guwardiya ang mga sasakyang galing ng mall.

"Bilang driver, tantiyado mo naman ang distansiya, malayo pa naman talaga. Tapos bigla niyang tinapik 'yung hood ko," ani Joel. 

Nakipag-areglo na ang isa sa mga guwardiya kay Joel nang magtagpo sila sa barangay pero ang isa na kinilalang si Juvy Arnaiz, hindi nagpakita kaya naman nagpasya si Joel na kasuhan siya ng slight physical injuries.

"Sinabihan ko na po siya na hindi ako makikipag-areglo. Sinabi niya pa na walang kuwenta 'yung kasong isasampa ko...Pinerwisyo mo ako, perwisyohan tayo ngayon," ani Joel.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng mall sa nangyari.
    
Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag si Arnaiz pero ayon sa kapwa nito guwardiya ay hindi raw ito naka-duty.
    
Paalala ng Manila Police District Station 11, dapat mahaba ang pasensiya ng mga security guard dahil sila ang naniniguro sa kaligtasan ng mga tao hindi lang sa loob ng mall kung hindi maging sa paligid nito.

"Person of authority sila eh, dapat responsable sila dahil this could have resulted in a much worse scenario," ani Supt. Amante Daro, commander ng istasyon. 

Tikom din ang bibig ng iba pang kasamahan sa trabaho ni Arnaiz.

--Ulat Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.