BMPM: Pitaka, isinauli sa tulong ng social media

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 03:02 PM

Isang ginang ang nagsauli ng pitakang naglalaman ng higit P20,000 at mga ATM card na kaniyang napulot sa isang mall sa Binondo, Maynila.

Ibinalik ng 55 anyos na si Maria Cristina Teñefrancia ang isang pitakang kaniyang napulot sa isang mall sa Binondo, Maynila. Naglalaman ito ng halagang higit P20,000, mga government ID, at mga ATM card.

Matapos mamili si Maria Cristina Teñefrancia, 55 anyos, ay naupo ito sa isang pahingahan sa mall noong Biyernes. Dito niya natagpuan ang nasabing pitaka.

May lamang higit P20,000, mga government ID, at mga ATM card ang pitaka.

Noong una ay natakot pa si Teñefrancia na mapagbintangan na nandukot kaya agad niya itong ipinagbigay-alam sa kaniyang anak.

Matapos mahanap ang may-ari sa pamamagitan ng Facebook, nakipagkita si Teñefrancia at ang kaniyang anak noong Lunes upang maibalik ang pitaka at ang mga laman nito.

Binigyan ng may-ari ng pabuyang P2,000 si Teñefrancia bilang pasasalamat.

-- Bayan Mo I-Patrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.