Trapiko sa North Avenue, asahan dahil sa konstruksiyon ng MRT-7

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 09:40 PM

Nag-abiso ang mga awtoridad sa mga motorista na iwasan ang ilang kalsada sa Quezon City sa Lunes, Enero 15, dahil sa pagpapatupad ng konstruksiyon ng MRT-7.

Payo ng MRT-7 Project Traffic Management Task Force na iwasan ang North Avenue dahil sisimulan nang ipatayo ang railroad track patungong Quezon Memorial Circle (QMC).

Sasakupin ng konstruksiyon ang dalawang gitnang lane ng North Avenue. Mananatiling bukas ang tatlong lane papuntang QMC habang dalawang lane naman ang madaraanan patungong EDSA.

Posibleng daanan ng mga motorista ang East Avenue at Quezon Avenue bilang alternatibong ruta papuntang QMC.

Nagsimula noong Agosto 2017 ang pagtatayo sa MRT-7, na tatakbo mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte sa Bulacan.

-- Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.