Pulis patay sa 'riding-in-tandem' sa Batangas

Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 07:51 PM | Updated as of Jan 14 2018 07:53 PM

MAYNILA - Patay ang isang pulis matapos tambangan ng mga salaring magkaangkas sa motorsiklo sa National Road sakop ng Barangay Buhay na Sapa sa San Juan, Batangas, Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si PO1 Jay-R Bico Cartaciano, 30, residente ng Barangay Calit-Calit, sa bayan ng San Juan, na ideneklarang dead on arrival dahil sa mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa imbestigasyon, nang gabing iyon ay sakay si Cartaciano ng motorsiklo ng pulisya patungo sanang Barangay Laiya para sumama sa iba mga kasamahang nagsasagawa ng operasyon. 

Pero pagdating sa Barangay Buhay na Sapa, biglang sumabay ang isang motorsiklong sakay ang mga salarin at saka tumapat sa biktima. 

Binaril ng nakaangkas si Cartaciano hanggang sa sumadsad ang motorsiklo nito sa gilid ng kalsada. Agad ding tumakas ang mga 'di na nakilalang gunmen. 

Nakuha sa crime scene ang service firearms ng biktima kabilang ang isang kalibre .45 at isang M16 rifle. Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa krimen at kung sino ang mga nasa likod nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.