Kampanya vs bulok at mausok na sasakyan, kinontra ng PISTON

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 03:02 PM | Updated as of Jan 14 2018 09:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - (UPDATED) Kinondena ng transport group na PISTON ngayong Linggo ang kampanya ng gobyerno laban sa mga bulok at mausok na sasakyan. 

Inilunsad ng pamahalaan nitong nakaraang linggo ang "Tanggal Usok, Tanggal Bulok" campaign kung saan hinuhuli ang mga hindi na "roadworthy" na pribado at pampublikong sasakyan. 

Pero ayon kay PISTON president George San Mateo, ang kampanyang ito ay bahagi ng tinatawag nilang hindi makataong PUV modernization ng gobyerno. 

"Kunwari pinapalabas nila ito raw ay pag-aalis lang sa mauusok at karag-karag na sasakyan. Pero sa totoo lang ito na po ang simula o bahagi ng phaseout para i-promote ang marketing scheme ng pagbebenta ng mamahalin at overpriced na sasakyan na nais ipalit sa jeep," sabi ni San Mateo.

Sa tantiya ng Stop and Go coalition, samahan ng transport groups, aabot sa P1.6 milyon ang presyo ng sinasabi ng gobyernong modernong jeepney na ipapalit sa lumang units.

Hindi anila kayang pasanin ng ordinaryong jeepney operator at driver ang ganito kalaking halaga kahit pa sa hulugan ito sa loob ng 7 taon. 

"Hindi po natin kinokondena 'yung ginagawa nila dahil lang ipinagtatanggol natin ang bulok at karag-karag. Ang sinasabi natin dito, hindi po makatao ang ginagawa nila. Ginagawa talaga nilang showcase 'yan para ipuwersa o bilang tungtungan sa massive phaseout ng lahat ng 240,000 na jeepney," sabi ni San Mateo.

Dagdag pa niya, malamang na makabigat na rin hindi lang sa mga tsuper kundi pati na rin sa mga pasahero ang tax reform na nagpataw ng mas mataas na excise tax sa langis.

Kaugnay nito, iginiit ni Greg Perez ng PISTON Cebu na dapat bigyan ng P6 na discount sa diesel ang jeepney drivers sa harap ng napipintong pagtaas ng presyo ng petrolyo. 

Sa kabila ng mga pahayag ng transport groups, hindi ititigil ng gobyerno ang paghuli sa mga sira-sira at luma nang jeep, ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng LTFRB.

Tatlumpung ahensiya aniya ang inatasang humuli sa mga naturang sasakyan na nagpapalala ng polusyon at hinaharap sa banta ng pagkakasakit ang mga commuter. 

Una nang sinabi ni Lizada na may P8,000 subsidy at pautang para sa mga maaapektuhan. Pero ayon sa mga operator at tsuper, kulang pa rin sa laki ng halaga ng mga bagong jeep.

Hinikayat ni Lizada ang PISTON na makipagdayalogo sa gobyerno, sa halip na magkasa ng mga protesta. May ulat nina Zhander Cayabyab at Kevin Manalo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.