Dose-dosenang estudyante, hinihinalang na-'food poison' sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 04:53 PM

ABS-CBN News

Hinihinilang biktima ng food poisoning ang dose-dosenang estudyanteng dumalo sa isang convention sa Dumangas, Iloilo.

Isinugod sa ospital ang tinatayang 60 estudyante matapos makaranas ng pananakit ng tiyan, pagdurumi, at pagsusuka nitong gabi ng Sabado hanggang umaga ng Linggo.

Galing Hacienda Conchita National High School at Nicomedes R. Tubar National High School sa San Dionisio, Iloilo ang mga estudyanteng dumalo nitong weekend sa "Barkada kontra droga" na programa ng Department of Education.

ABS-CBN News

ABS-CBN News

ABS-CBN News

ABS-CBN News

Kuwento ng isang guro, nagsimulang magsakitan ang tiyan ng ilang estudyante matapos mananghalian ng pork na may mushroom sauce, kanin, at soft drinks.

Ayon sa municipal health officer na si Dr. Christie D. Magracia, panay sintomas ng food poisoning ang dinanas ng mga estudyante.

Aniya, maaaring dulot ito ng hindi wastong paghahanda ng pagkain o kaya'y nasira ang pagkain dahil sa sobrang init.

Handa naman ang caterer ng naturang pananghalian na sagutin ang gastos sa ospital ng mga estudyante.

Ayon din kay John Lerry Imballa, pamangkin ni Noel Denila na may-ari ng catering services, ito ang unang beses na may ganitong insidente sa negosyong matagal na raw nilang pinapatakbo.

Inaalam na rin nila kung ano'ng nangyari sa paghahanda ng pagkain.

Kuwento rin ni Imballa, sobrang init sa gym noong panahong dinala roon ang pananghalian ng mga estudyante at guro.

May ilang guro ring nakaranas ng pananakit ng tiyan pero hindi na sila nagpa-ospital.

Nasa laboratoryo na ang specimen sample ng mga estudyante para masuri ang sanhi ng kanilang pagkakasakit.

Hindi naman maipasusuri sa kaukulang ahensiya ang sample ng kanilang pananghalian dahil naitapon na ito, ayon sa mga guro.

Na-discharge din ang mga estudyante sa ospital nitong Linggo matapos silang mabigyan ng gamot at oral rehydration solution. -- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.