Alert level 3 itinaas sa Mayon; mga residente sa 7-km danger zone pinalilikas

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 09:12 PM | Updated as of Jan 15 2018 09:13 AM

Mayon volcano shows a red glow on its crater while covered by clouds as seen from Camalig, Albay on January 14, 2018. Photo courtesy of Earl Epson Recamunda

MAYNILA -- (UPDATED) Mula sa Level 2, itinaas na ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang bulkang Mayon ngayong Linggo, alas-8 ng gabi. 

Ayon sa mga awtoridad, ito ay dahil sa na-monitor na bagong "lava dome" at ang pag-agos ng lava sa katimugang gilid ng bulkan. 

Inaatasan ang mga residenteng nakatira sa loob ng 7-kilometrong extended danger zone ng Mayon na lumikas.

Sa loob ng 24 oras, na-monitor ng Phivolcs ang mas matinding pag-aalburoto ng bulkan.

Kabilang na sa mga nakita ng mga awtoridad ang 3 insidente ng phreatic eruptions at 158 insidente ng rockfall.

Senyales ito ng nagbabadyang "hazardous eruption" ng Mayon sa loob ng ilang araw o linggo, ayon sa Phivolcs.

Apektado ng pag-aalburoto ng bulkan ang mga sumusunod na lugar, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Albay:

• Camalig
- Barangay Anoling
- Barangay Quirangay
- Barangay Sua
- Barangay Tumpa
- Barangay Tinubran

• Guinobatan
- Barangay Tandarora
- Barangay Maninila

• Daraga
- Barangay Miisi
- Barangay Budiao
- Barangay Matnog

• Malilipot
- Barangay Calbayog
- Barangay Canaway

• Tabaco City
- Barangay Buang
- Barangay Buhian
- Barangay Magapo

• Ligao City
- Barangay Amtic

Ayon sa awtoridad, aabot na sa 1,531 na pamilya, o 5,864 na tao ang lumikas dahil sa banta ng bulkan.

Nasa 663 na pamilya o 2,154 na tao ang nasa mga evacuation center sa Guinobatan, habang nasa 264 na pamilya, o 1,232 na tao ang mga nagsilikas sa bayan ng Camalig.

Aabot naman sa 634 na pamilya o 2,478 na tao ang nasa mga evacuation center sa bayan ng Malilipot.