Umano’y malaking supplier ng ilegal na droga sa Laguna, arestado

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 05:59 PM | Updated as of Jan 13 2018 06:56 PM

Nakumpiska kay Ricardo Reyes ang ilang baril na walang kaukulang papeles at 35 gramo ng hinihinalang ilegal na droga sa lungsod ng San Pablo, Sabado. Kuha ng San Pablo City Police

Arestado Sabado ng umaga ang isa umanong malaking supplier ng ilegal na droga sa lungsod ng San Pablo, Laguna.

Kinilala ang suspek bilang si Ricardo Reyes alyas “Rocky,” 60, na nakuhanan ng nasa 35 gramo ng hinihinalang ilegal na droga at mga baril na walang kaukulang papeles.

Isang notebook din na naglalaman ng listahang pinaniniwalaang mga sinusuplayan niya ng ilegal na droga ang nakuha ng pulisya.

"Based doon sa mga nakuha namin na mga dokumento, ilang tao din iyong dinadalhan niya, sinusuplayan niya ng ilegal na droga. At iyon ay isu-surveillance namin iyong mga pangalan na nandoon sa listahan,” ani Police Supt. Gil Torralba.

Lumabas din sa imbestigasyon na naka-parole si Reyes sa kaso ring possession of illegal drugs noong 1998. Matapos ang halos 20 taon sa kulungan, nakalaya siya noong Marso 2016.

Suspek din si Reyes sa pagpatay sa isang babae sa lungsod ng Batangas noong Oktubre 2017.

Dahil sa mga panibagong kinasangkutang krimen ni Reyes, balak ng San Pablo City Police na irekomenda ang pagbawi ng parole sa suspek.

“Siguro susulatan natin iyong Board of Pardons and Parole. Para ma-cancel na, ma-revoke na iyong parole. Siguradong na-violate niya iyong conditions under sa parole,” ani Torralba.

Bukod kay Reyes, inaresto rin sa operasyon si Reynaldo Ramos na kasama umano nito sa mga ilegal na transaksyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.