Sugatang Philippine scops owl, na-rescue sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 04:29 PM


Nanghihina at may sugat sa kaliwang pakpak nang matagpuan ng mga security guard sa dating Court of Appeals sa Baguio City ang isang Philippine scops owl bandang alas-6 ng umaga Sabado. 

Kuwento ng guwardiya na si Albert Aquino, ang kaniyang kasamahan ang nakakita sa kuwago nang malaglag ito sa puno ng abokado.

"Noong una niya pong nakita, hinawakan niya po, parang wala pong malay tapos [pinasok] niya po sa loob," ani Aquino.

Agad anilang pinost sa Facebook ang insidente. 

Ayon sa Baguio City Environment and Natural Resources Office (CENRO), madalas makikita ang Philippine scops owl sa mga kagubatan at mga insekto at prutas ang kinakain ng mga ito.

Posible raw na wala itong mahanap na pagkain sa lungsod kaya nanghina.

"Siguro nahulog sa kahoy because of weakness, mahina siya... At possible na [nasugatan] siya sa sanga kaya nagka-sugat siya," ani Glea Lagon, senior forest management specialist ng Baguio CENRO.

May malaking epekto rin daw ang malamig na panahon na nararanasan ngayon at polusyon sa hangin kaya nanghihina ang mga nasabing kuwago.

Dinala sa Benguet State University Veterinary Clinic ang sugatang Philippine scops owl matapos bigyan ng lunas.

Papakawalan agad ito sa kagubatan ng Mt. Santo Tomas o sa Ambuklao, Benguet kapag tuluyang gumaling.

--Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.