P100-K halaga ng ‘shabu’ nasabat sa drug bust; 2 suspek timbog

Zeny Grace Quilantang, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 09:36 AM

Arestado ang 2 suspek sa isinagawang buy-bust operation ng awtoridad sa Jaro, Iloilo City, Biyernes ng gabi. Zeny Grace Quilantang, ABS-CBN News

ILOILO CITY – Tinatayang P100,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa dalawang suspek sa Jaro dito sa siyudad Biyernes ng gabi.

Naaresto ang umano’y drug dealer na si Shiela Villeta, 40, at kaniyang live-in partner na si Reo Carnaje sa buy-bust operation sa Barangay Tagbak.

Nakuha ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit at ng Molo Police ang 25 sachet ng hinihinalang shabu, perang nagkakahalaga ng P4,500 na kita umano mula sa ilegal na aktibidad ng mga suspek, cellphone, resibo ng transaksiyon, at drug paraphernalia.

Bumili umano ang mga operatiba ng shabu mula kay Villeta na nagkakahalaga ng P2,200. Agad itong inaresto kasama si Carnaje matapos makumpleto ang transaksiyon.

Ayon kay Villeta, galing umano sa Maynila ang droga. Itinanggi naman niya ang kaniyang koneksiyon kay Carnaje.

Nitong nakaraang taon pa subject ng operasyon si Villeta ngunit nagawa umano nitong tumakas.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.