Commercial building ni Bro. Mike Velarde, nasunog

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 04:12 AM | Updated as of Jan 13 2018 03:31 PM

(UPDATED) Tinupok ng apoy ang isang commercial building na pagmamay-ari ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Sumiklab ang sunog bago mag ala-1 Sabado ng madaling araw na nagsimula umano sa isang grocery, ayon kay Supt. Robert Pasis ng Bureau of Fire Protection.

Umabot ng mahigit apat na oras bago naapula ang sunog. 

Tinatayang nasa P2 milyon ang halaga ng pinsalang dulot nito habang wala namang naitalang nasugatan sa insidente.

Sa tantiya naman ni Velarde, nasa P40 milyon ang halaga ng gusali na may lawak na 40,000 square meters.

Aabot umano sa 100 ang tenants dito na nangungupahan at nagtatrabaho sa iba't ibang establisyimento kagaya ng grocery, electronics store, canteen, opisina, at events place.

Ayon kay Velarde, nalaman lamang niya na nasusunog ang gusali nang may tumawag sa kanyang asawa ukol sa insidente.

Nilinaw ni Velarde na isang kooperatiba ang nasunog na gusali, ngunit ito ay kanyang pag-aari.

Kuwento naman ng guwardiyang si Rodante Dela Cruz, nakarinig siya ng mga putok at paggiba bago mag ala-1 ng madaling araw.

Inakala niyang may magnanakaw kaya't akma niyang kinuha ang kanyang baril, ngunit nang makita ang ibang mga guwardiyang natataranta, napagtanto niyang nasusunog na pala ang establisyimento.

Ayon kay Dela Cruz, wala namang naiwang ibang tao sa establisyimento dahil agad silang nakalabas.

Sa panayam naman kay Pasis, nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng sunog dahil sa mga nahulog na debris, bakal at sa dami rin ng flammable materials sa establisyimento.

Dagdag niya, maaaring may pananagutan ang may-ari ng gusali dahil walang sprinkler system ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.