Brand new na sasakyan na 'patay-sindi' ang makina, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 07:22 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakatengga lang sa casa ang Kia Soul ni Allan de Castro, na binili niyang brand new noong Marso 2016 pa.

Pabalik-balik lang aniya ito sa pinagbilhan niyang Kia dealership sa Marcos Highway dahil sa paulit-ulit niyang reklamo na namamatayan ito ng makina.

"Isa din kasi na worry ko ay muntik akong mabangga ng trailer [truck]. Twice siya namatay. So hindi mo siya magagamit na kasama mo 'yung family mo kasi nagwo-worry ka din," hinaing ni De Castro.

Kuwento niya, idinadahilan umano ng casa na pare-pareho lang ang isyu sa makina ng Kia Soul niya kaya hindi na kailangang maglabas ng job order.

"First ang gusto ko, dapat ang mga repair na ipinapasok ng bawat sasakyan, dapat nag-issue sila ng job order ah. Kahit na same lang, 'yung case kasi parang iniiwasan nila na mapunta sa lemon law," ani De Castro. 

Bago matapos ang 2017, sinamahan ng Tapat Na Po si De Castro na idulog ang kaniyang reklamo sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa ahensya, dadaan sila sa proseso ng mediation, kung saan maghaharap sina De Castro at mga kinatawan ng car manufacturer para subukang magkasundo.

"Pero in the event halimbawa hindi kayo magkaroon ng pagkakasundo, ayun option mo na kung ie-elevate natin 'yung kaso sa adjudication. Ito naman kapag in-elevate mo sa adjudication...ang DTI ang magde-decide," ani DTI-Fair Trade Enforcement Bureau officer-in-charge Ferdie Manfoste.

Kinuha ng Tapat Na Po ang panig ng Kia Marcos Highway ngunit di naman nila sinagot nang direkta kung bakit panay patay ang makina ng kotse ni De Castro.

Matapos ang ilang linggo, hindi nagkasundo sa mediation sina De Castro at panig ng Kia kaya iaakyat na sa adjudication ang complaint ng konsumer na hahatulan sa loob ng 15 araw.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News