1 patay, 1 arestado sa magkahiwalay na drug bust sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 10:01 AM

DAVAO CITY – Patay ang isang 19-anyos na lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation, Sabado ng madaling araw dito sa siyudad.

Kinilala ang suspek na si John Rener De Jesus na nagbebenta umano ng marijuana sa Barangay 32-D.

Ayon sa pulisya, agad na nagpakilala ang operatiba para arestuhin ang suspek matapos matiyak na marijuana nga ang kaniyang ibinebenta at nang nagkabayaran na. 

Pero sa halip na sumuko, bumunot umano ng baril ang suspek mula sa kaniyang bag at pinaputukan ang pulis.

Suwerte naman at di natamaan ang operatiba.

Nakuha mula kay De Jesus ang isang bundle ng marijuana na nagkakahalaga ng P15,000, nasa 10 pakete ng marijuana, baril na ginamit umano nito, at mga basyo ng bala.

Napag-alaman ng pulisya na mula Talomo ay ibinabagsak ng suspek ang kaniyang mga bentang marijuana sa Boulevard, Davao City.

Samantala, arestado naman ng Sta. Ana Police ang 40-anyos na si Peter Paul Asis sa buy-bust operation sa Lacson Street, Barrio Obrero, Davao City, Biyernes ng gabi.

Madalas na kliyente umano ni Asis ay mga estudyante at taxi driver.

Nakuha mula kay Asis ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu at P500 na buy-bust money. Itinanggi naman ni Asis na sa kaniya ang shabu.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Asis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.